Pagbati sa KARAPATAN – Alliance for the Advancement of People's Rights sa inyong ika-14 taon nang patuloy na pagtataguyod ng karapatang pantao.
Taong 2005 o 2006 nang unang direktang maka-ugnay ng Computer Professionals' Union (CPU) ang Karapatan. Ito ang unang mga taong nagsisimulang aktibong makilahok sa mga people's organization ang CPU. Nais ng Karapatan noon na magkaroon ng isang sistemang database upang maisalansan ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng mga rehimen.
Sa Karapatan namin nakilala ang mga masisigasig at matatapat na tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng karapatang pantao sa kabila ng hirap at panganib. Sa Karapatan din namin nakilala ang mga mga katulad nina Nanay Evan at Ginang Burgos na nagpapatuloy sa pakikisangkot.
Kaisa ng Karapatan ang CPU sa pagsisikap na mas mapaunlad pa ang ating sistema ng dokumentasyon. Sa ating pag-aayos ng mga lexicon at iba pa, nakahanda ang CPU upang tumulong upang makaagapay ang ating sistema sa database. Magpapatuloy din ang pakikisangkot ng CPU sa mga kampanya ng Karapatan sa internet man o lansangan.
Pinanday na ang Karapatan ng 14 taon ng pagtataguyod at pagtatanggol ng karapatang-pantao. Natitiyak namin ang marami pang tagumpay sa inyong gawain.
Mabuhay ang KARAPATAN!
Itaguyod at ipagtanggol ang mga karapatang-pantao!
15 August 2009.
